May-Akda:
Ang akdang “Walang Sugat" nilikha ni Severino Reyes kilala bilang “Ama ng Sarswela Tagalog" at kilala rin sa palayaw na “Don Binoy." Marami na siyamg nalikhang kwentong pambata, upang maikubli ang pagkakakakilanlan ginamit niya ang sagisag panulat na “Lola Basyang." Isa rin sa mga tanyag na dula na kanyang isinulat ay pinamagatang “Walang Sugat" na naisulat sa noong panahon ng Amerikano. Ang dulang ito ay pumapaksa sa kapangyarihan ng pag-ibig sa mga taong tunay na nagmamahal.
II. Mga tauhan:
Tenyong (Antonio Narciso Flores) – bugtong na anak ni Kapitan Inggo
Julia – pinsang buo ni Tenyong; may pag ibig kay Tenyong
Miguel – isang mayaman illistrado na nais ipakasal kay Julia
Kapitan Inggo – ama ni Tenyong na inakusahang Filibusterismo
Putin – ina ni Tenyong
Teban -
Mang Lucas – matalik na kaibigan ni Tenyong
Monica – katulong ng pamilya nina Julia
Prayle – mga paring Kastila na nagtatago sa ilalim ng pangalan ng Diyos upang makagawa ng masama;
III. Bukod/Lagom ng Katha:
Pagsusuri:
1. Panahong kinabibilangan
Ang dulang “Walang Sugat" ni Severino Reyes ay ibinatay sa panahon ng Rebolusyon na kasagsagan ng pananakop ng mga dayuhan kung saan sinasaad sa dulang ito ang panget na dinanas ng mga Pilipino sa kamay ng mga prayle na itinuturing na sugo ng Diyos ngunit sila pa mismo ang nagsasagawa ng karumaldumal at labag sa batas na mga gawain. Ipinakita rin dito ang pagmamahal sa bayan kung saan ay nagpasya si Tenyong na mag rebelde upang ipaghiganti ang pagpaslang sa kanyang Ama na si Kapitan Inggo.
2. Sariling Puna
Sa aking pagsusuri sa akdang “Walang Sugat" lubusan ako napahanga sa angking galing sa pagsulat ng may akda, kakikitaan ito ng mahuhusay na linyahan na talagang pupukaw sa atensyon ng mga mambabasa o manonood. Makikita sa dulang ito ay pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan, sumasalamin din ang ganda ng kulturang ating kinagisnan ngunit sa kabilang banda ay ang masalimuot na nakaraan na sinapit ng ating bayan mula sa mapang-abusong dayuhan.
3. Gintong Kaisipan/Balyus na Nakapaloob sa Katha
Sa dulang ito ay labis na nagpamulat sa tunay na sinapit ng ating bansa at kapwa Pilipino. Kakikintalan ang dulang ito ng maraming gintuang aral tulad na lamang ng pagmamahal at pagmamalasakit sa sariling bayan, isa na rin ang pagiging likas na maka-Diyos ng mga Pilipino hindi lamang tuwing nasa alanganin kung manalangin kundi sa araw na labis ang ligayang nadarama. Pinakita rin dito ang halaga ng paninindigan sa tunay na minamahal, kahit maraming hadlang ay mas nangibabaw pa rin ang pagmamahal sa isa't isa. Payak man noon ang pamumuhay ngunit kakikitaan ito ng kasaganahan at puno ng pagmamahalan. Ito rin ay nagsasalaysay na dapat matuto tayong ipaglaban ang ating sarili lalo na kung wala tayong gjnagawang masama upang tayo ay maipit sa sitwasyon.
4. Mga Mungkahi
Base sa aking pagsusuri sa akdang nilikha ni Severino Reyes na pinamagatang “Walang Sugat" ay wala na akong nais pa imungkahi sapagkat labis ang aking paghanga sa akdang ito na kakikitaan ng emosyon na nakakubli sa bawat tauhan sa dula na kinapapalooban ng iba't ibang personalidad. Sa tulong ng dulang ito ay maaaring magising ang ating kamalayan sa mga kaganapang nangyayari sa ating bayan sa kamay ng mapang-abusong dayuhan.
IV. Buod:
Nagsimula ang kwento sa pagbisita ni Tenyong sa bahay nina Julia, nadatnan niya itong nagbuburda at agad naman itinago ni Julia ang ginagawa ngunit nagpupumilit si Tenyong na makita ito at binola pa niya si Julia nang sabihin nitong tila kandila ang mga daliri ng Julia at malabong ito'y makagawa ng hindi kaaya-aya sa paningin. Sa pagka irita ay inihagis niya kay Tenyong ang binuburda at laking tuwa ng binata ng makita ang simula ng kanyang pangalan, “ANF" na nangangahulugang Antonio Narciso Flores ngunit agad naman ito itinanggi ni Julia dahil sa sobrang kahihiyan at sinabi na ito ay para sa frayle ngunit sadyang mapilit si Tenyong. Sa pagtatalo ng dalawa ay dumating si Lucas isang alalay ni Tenyong at pinamalita nito na ang ama ni Tenyong na si Kapitan Inggo ay hinuli at pinaratangang Pilibustero ng mga guardia sibil at tangkang dadalhin sa Bulacan. Agad na umalis si Tenyong upang dalawin ang ama sa bilangguan ngunit makailang araw pa ay hindi na niya naabutan buhay ang ama, dahil sa pagmamalupit ng mga kura ay binawian ito ng buhay na hindi matanggap ni Tenyong. Sa oras ng pagluluksa ay walang pagdadalwang isip at nagpasya umalis upang mag rebelde at bigyang hustisya ang pagkamatay ng kanyang ama. Pinipigilan siya ni Julia dahil sa maaaring ikapahamak ng binata ngunit sadyang buo na ang loob ni Tenyong. Lumisan ito dala ang hinanakit sa paglisan ng ama at naiwang nagluluksa ang kanyang ina. Nangako naman siya kay Julia na susulatan siya nito. Ilang buwan pa ang lumipas ay wala ni anino ni Tenyong ang nagpakita kay Julia. Ito ay labis na ikanalungkot ng dalaga na siya naman pinag-alalang kanyang ina kung kaya’t maya't maya ang pagdalaw ni Miguel ang mayaman na binatilyo na takdang ikakasal kay Julia ngunit ang pag-ibig nj Julia ay tanging nakalaan lamang para kay Tenyong. Sa hindi inaasahan ay naitakda na ang araw at oras ng kasal, walang magawa si Julia kundi sumunod na lamang sapagkat ito ang ikasisiya ng mahal na ina kahit pa labis ang kanyang pagdadalamhati. Sa kabilang banda ay mabilis na kumalat ang balita sa kanayunan at karatig bayan. Nang malaman ito ni Tenyong ay agad na nagtungo sa simbahan kung saan gaganapin ang pagsusumpaan ng iniibig niyang si Julia. Nagsisimula na ang seremonyas at dagliang tumakbo si Kulas patungo sa altar bitbit ang katilya sakay si Tenyong na hamak na sugatan at duguan ito na labis na ikinagulat ng mga tao lalo't higit ni Julia. Ang tanging sambit lamang ni Tenyong ay ikasal na sila ni Julia sapagkat iyon araw na iyon ay lilisan na siya sa mundong ibabaw. Sa pag aakalang ito ang huling araw niya ay sinimulan na ng pari ang seremonya para kay Tenyong at Julia. Sa pagtatapos ay bigla nalang tumayo si Tenyong na tila bigyang nabuhayan at laking gulat ng mga tao sa mga pangyayari napasigaw na lamang ang mga tao ng “Walang sugat!.”
A. Uring Pampanitikan
Ang “Walang Sugat” ni Severino Reyes ay isang uri ng panitikang dula o sarswela, kung saan ito ay itinatanghal sa entablado o kahit saan may espasyo sapagkat sa pagsasagawa ng dula ay walang pinipiling lugar basta ito ay mayroon tagapanood. Ito ay pupukaw sa kamalayan ng mga tao sa suliraning panlipunan at pampolitiko.
B. Istilo ng Paglalahad
Mabisa ang istilo sa daloy ng kwento maging sa mga salita at pangyayaring makatorohanan batay sa pangyayari sa buhay at sa lipunan sa akmang panahon, masining din ang pagkakagawa ng may akda, nakabatay din sa panlasa ng mga mambabasa dahil sa pabatid nitong iba’t ibang pangyayari sa pamilya, lipunan, maging sa pamahalaan at ating din matutunghayang pagmamalupit ng mga dayuhan.